Patuloy na nararanasan ang matinding init ng panahon sa ilang bahagi ng Pilipinas, base sa ulat ng PAGASA para sa April 27, 2026.

Nanguna sa listahan ang Dumangas, Iloilo na umabot sa 45°C heat index, na nasa kategoryang danger level. Sumunod ang Sangley Point sa Cavite na may 44°C.

Nakapagtala rin ng 43°C heat index ang Iloilo City, La Carlota sa Negros Occidental, at Guiuan sa Eastern Samar.

Samantala, umabot naman sa 42°C ang heat index sa Iba, Zambales; San Ildefonso, Bulacan; San Jose, Occidental Mindoro; Puerto Princesa City at Cuyo sa Palawan.

Ayon sa PAGASA, ang antas na 42°C hanggang 51°C ay itinuturing na danger level, na posibleng magdulot ng heat cramps, heat exhaustion, at iba pang epekto ng matinding init kung hindi mag-iingat.

Patuloy ang paalala sa publiko na umiwas sa matagal na pagkabilad sa araw, uminom ng sapat na tubig, at iwasan ang mabibigat na aktibidad sa kasagsagan ng init.