Natagpuang wala nang buhay ang isang babaeng leatherback sea turtle sa baybaying bahagi ng Barangay Sta. Rosa, Guimbal, Iloilo, noong Abril 18, 2026, bandang alas-11:30 ng umaga.

Photos from Seafdec Fishworld

Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang Fishworld hinggil sa isang na-stranded na pawikan sa nasabing lugar. Agad namang rumesponde ang kanilang mga tauhan upang magsagawa ng assessment at posibleng rescue operation.

Subalit pagdating ng rescue team sa lugar, nakumpirma na patay na ang naturang pawikan. Batay sa paunang pagsusuri, tinatayang may bigat itong 150 kilo, may habang 118 sentimetro (curved carapace length), at lapad na 86 sentimetro (curved carapace width).

Photos from Seafdec Fishworld

Ang leatherback sea turtle, na kilala bilang Dermochelys coriacea, ay isa sa pinakamalaking uri ng pawikan sa mundo at itinuturing na nanganganib na species.

Matapos ang pagsusuri sa lugar, inilipat ang bangkay ng pawikan sa Fishworld upang maayos na mapreserba at sumailalim sa mas detalyadong eksaminasyon alinsunod sa itinakdang protocol.

Photos from Seafdec Fishworld

Patuloy namang hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na agad iulat ang mga kahalintulad na insidente upang mapabilis ang pagtugon at mapangalagaan ang yamang-dagat.