Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang most wanted person sa isinagawang law enforcement operation sa Purok 3, Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao del Sur kahapon, Hulyo 21.
Ayon sa Maguindanao del Sur Police Provincial Office (MDSPPO), ang suspek ang No. 2 Most Wanted Person sa antas ng BARMM at No. 1 Most Wanted Person sa lalawigan ng Maguindanao del Sur.
Sinabi ng pulisya na si alyas Mus ay dating miyembro ng BIFF na iniuugnay kay Zainodin Kiaro, umano’y naging estudyante nina Marwan at Basit Usman, at itinuturing ding senior adviser ng Paneneklan Criminal Gang. Iniuugnay rin siya sa Dawlah Islamiyah-Hassan Group (DI-HG) at sinasabing nag-aangking kabilang sa MILF 128 Base Command.
Nahaharap ang suspek sa iba’t ibang kasong kriminal kabilang ang murder, frustrated murder, attempted murder, robbery, at double murder with multiple frustrated murder, na may mga warrant of arrest mula sa iba’t ibang sangay ng Regional Trial Court. Ilan sa mga kasong ito ay walang inirerekomendang piyansa.
Matapos ang pag-aresto, dinala ang suspek sa Maguindanao Provincial Hospital para sa medical examination bago isinailalim sa kustodiya ng Mamasapano Municipal Police Station.

















