Pormal ng itinurnover ng Office of the Chief Minister (OCM) Satellite Office sa Basilan Government Center kahapon, April 21, 2026. Layunin nito na mapabilis, mapadali, at gawing mas accessible ang paghahatid ng serbisyong publiko sa lalawigan.
Sa seremonya, binigyang-diin ni People’s Governor Mujiv Hataman ang kahalagahan ng pagkakaisa at matibay na ugnayan ng mga institusyon upang makamit ang tunay na kaunlaran sa rehiyon. Ayon sa kanya, “When partnerships are strong, progress becomes visible,” na sumasalamin sa layunin ng sama-samang pagkilos para sa inklusibong pag-unlad sa Basilan at sa buong rehiyon.
Dumalo sa turnover ceremony ang mga matataas na opisyal mula sa iba’t ibang sektor, kabilang si Chief Minister Abdulraof Macacua, mga kinatawan mula sa European Union, UNOPS, at iba pang development partners, pati na rin ang mga lokal na alkalde at opisyal mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon sa kinatawan ng European Union, mahalagang matiyak na magagamit nang maayos at epektibo ang bagong pasilidad. Giit niya, ang satellite office ay hindi lamang simbolo ng presensya ng pamahalaan kundi isang konkretong hakbang upang mailapit ang serbisyo sa mga mamamayan.
Ang pasilidad ay itinayo sa ilalim ng Support to Bangsamoro Transition (SUBATRA) Programme na pinondohan ng European Union, bilang bahagi ng patuloy na suporta sa pag-unlad ng BARMM. Layunin nitong palakasin ang kapasidad ng pamahalaan sa paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad sa rehiyon.
Para sa Pamahalaang Panlalawigan ng Basilan, ang proyekto ay patunay ng lumalalim na kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan at mga international development partners, na naglalayong maghatid ng mas maayos, inklusibo, at makataong serbisyo publiko.
Sa huli, ipinakita ng seremonya na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor, ang kapayapaan at kaunlaran sa Basilan ay unti-unting nagiging isang konkretong realidad.

















