Pormal na binuksan ang Marine Exercise 2026 (MAREX26) sa Camp Iranun, Sitio Bombaran, Barangay Togaig, Barira, Maguindanao del Norte noong Mayo 18, 2026.

Pinangunahan ito ng Philippine Marine Corps katuwang ang United States Marine Corps sa ilalim ng I-Marine Expeditionary Force, bilang bahagi ng patuloy na kooperasyong pangdepensa ng Pilipinas at Estados Unidos.

Isinagawa ang exercise sa ilalim ng Mutual Defense Board–Security Engagement Board framework, kung saan lumahok ang iba’t ibang pwersa kabilang ang Philippine Army, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Philippine Air Force, at Marine reservists.

Layunin ng MAREX26 na pahusayin ang interoperability at operational readiness ng mga kalahok na pwersa sa pamamagitan ng mga pagsasanay sa maritime security operations, amphibious at mechanized maneuvers, littoral live-fire drills, at special operations training.

Ayon kay LTCOL Mark Saville ng US Marine Corps, mahalaga ang joint exercises upang higit pang mapalakas ang kakayahan sa labanan at patatagin ang ugnayan ng mga sundalo ng Pilipinas at Estados Unidos.

Binigyang-diin naman ni BGEN Larry C. Batalla ng Philippine Marine Corps na ang MAREX26 ay hindi lamang isang ehersisyo kundi simbolo ng tiwala, disiplina, at iisang layunin para sa seguridad at katatagan sa rehiyon.

Bilang Guest of Honor, sinabi ni COL Ruben G. Aquino ng Philippine Army na ang tunay na lakas ng mga sundalo ay nakikita sa sama-samang pagsasanay, sakripisyo, at kahandaang tumugon sa anumang hamon.

Patuloy na isasagawa ang MAREX26 hanggang Mayo 29, 2026 bilang pagpapakita ng pinagtibay na alyansa at pinahusay na kooperasyong militar ng dalawang bansa.