Ipinagpatuloy ng Philippine Air Force (PAF), katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, ang paghahatid ng ayuda sa mga komunidad na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Southern Mindanao sa pamamagitan ng serye ng humanitarian airlift missions mula Hunyo 12 hanggang 14, 2026.

Ayon sa PAF, nakapaghatid sila ng 1,200 Family Food Packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Barangay Laguimit, Glan, Sarangani noong Hunyo 12 para sa mga residenteng naapektuhan ng kalamidad. Namahagi rin ng 747 ready-to-eat food packs sa mga apektadong pamilya sa Barangay E. Alegado.
Noong Hunyo 13, naghatid naman ang PAF ng 400 Family Food Packs at mga lalagyan ng malinis na tubig sa mga komunidad na nahiwalay dahil sa pagguho ng lupa at pagkasira ng mga pangunahing kalsada at tulay dulot ng lindol.

Samantala, noong Hunyo 14, isinakay ng PAF ang karagdagang 300 ChariTimba relief packs mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na inilipad patungong General Santos City bilang bahagi ng patuloy na relief operations.
Binigyang-diin ng PAF na mananatili itong nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang agarang paghahatid ng tulong at suporta sa mga komunidad na patuloy na naapektuhan ng kalamidad.