Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA na dalawa hanggang apat na bagyo ang posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR ngayong buwan ng Hulyo.
Ayon sa state weather bureau, mananatiling aktibo ang southwest monsoon o habagat na magdadala ng paminsan-minsang malalakas na pag-ulan, lalo na sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.
Unang pumasok sa buwan ng Hulyo ang bagyong Henry, na nabuo mula sa isang low pressure area nitong madaling araw ng Miyerkules.
Inaasahan din ng PAGASA ang mga susunod na bagyong papangalanang Inday, Josie, at Kiyapo, na maaaring makaapekto sa Eastern Visayas at Luzon o magpalakas pa sa epekto ng habagat sa ilang bahagi ng bansa.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko na manatiling alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng patuloy na pag-ulan sa mga susunod na araw.

















