Nagbabala ang PAGASA na maaaring tumaas ang posibilidad ng mas malalakas na weather disturbances sa bansa sa pagitan ng Hunyo hanggang Agosto, bunsod ng kombinasyon ng habagat at El Niño conditions.

Ayon sa ahensya, ang pagsasabay ng dalawang weather pattern ay maaaring magpalakas ng mga pag-ulan at magdulot ng pagbaha sa ilang bahagi ng bansa, lalo na kapag nagsimula na rin ang regular na tag-ulan.

Batay sa tala ng PAGASA, posibleng nasa mataas na antas ang tsansa ng ganitong weather setup, na ayon sa Climate Monitoring and Prediction Section ay umaabot umano sa 92%.

Ipinunto rin ng ahensya na kahit limitado lamang ang mabubuong bagyo sa naturang panahon, maaari pa rin itong lumakas at magdulot ng matitinding epekto tulad ng malalakas na ulan, hangin, at pabugso-bugsong pag-ulan.

Samantala, ilang lugar sa bansa kamakailan ay nakaranas na ng pagbaha kahit thunderstorm lamang ang nararanasan, dahilan upang muling paalalahanan ang publiko—lalo na sa mga flood-prone areas—na maghanda at manatiling alerto sa paparating na panahon ng tag-ulan.