Naaresto ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) ang dalawang hinihinalang illegal recruiter sa Tinagacan Checkpoint, South Cotabato noong Marso 8.
Kinilala ang mga suspek na sina Leonardo at Lawrence Lyka Yarte, parehong 43-anyos, na umano’y nanloko sa 10 aplikante kapalit ng P120,000 bawat isa kapalit ng pangakong mapapasok sa Coast Guard.
Ayon sa imbestigasyon, papunta na ang mag-asawa sa Davao International Airport para lumipad pa-Maynila nang harangin sila ng mga operatiba mula sa PCG at CIDG Region 12. Sila’y sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, Usurpation of Authority, at Estafa.
Dinala ang mga suspek at biktima sa CIDG Region 12 para sa dokumentasyon.
Pinaalalahanan naman ang mga aplikante na magsampa ng kaso sa Marso 10.
Nagpaalala si PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na ang lehitimong aplikasyon sa PCG ay isinasagawa lamang sa opisyal na tanggapan at walang kailangang bayaran.