Mas pinaigting pa ang koordinasyon sa usapin ng kapayapaan at seguridad sa walong munisipalidad ng Special Geographic Area o SGA ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao matapos isagawa ang kauna-unahang Peace and Security Cluster Meeting sa Camp Lucero, Carmen, Cotabato nitong Hunyo 24.
Layunin ng pagpupulong na higit pang palakasin ang ugnayan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga lokal na opisyal upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran sa mga munisipalidad ng SGA-BARMM.
Kabilang sa mga dumalo ang mga kinatawan ng walong munisipalidad ng Pahamudin, Kadayangan, Nabalawag, Old Kaabakan, Kapalawan, Malidegao, Tugunan, at Ligawasan.
Sa pagpupulong, tinalakay ang kasalukuyang sitwasyon ng kapayapaan at seguridad, mga isyu sa law enforcement, gayundin ang mga programang ipinatutupad at mga development updates sa bawat munisipalidad.
Pinangunahan ang aktibidad nina Brigadier General Ricky P. Bunayog, Commander ng 602nd Infantry Brigade; Colonel Gremel B. Brual, Deputy Brigade Commander; Police Colonel George D. Bagundol Jr., Provincial Director ng Maguindanao del Norte Police Provincial Office; Special Geographic Area Development Authority Administrator Butch P. Malang; at Bangsamoro Member of Parliament Mohammad Kelie U. Antao.
Nakiisa rin sa pagpupulong ang mga alkalde, bise alkalde, mga chief of police, at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan mula sa iba’t ibang munisipalidad ng SGA-BARMM.
Nagbigay rin ng situational updates at mga rekomendasyon ang 602nd Infantry Brigade, Maguindanao del Norte Police Provincial Office, at Special Geographic Area Development Authority hinggil sa umiiral na mga hamon sa seguridad at mga hakbang upang mapanatili ang kaayusan sa kanilang nasasakupan.
Isa sa mga napagkasunduan ang regular na pagsasagawa ng buwanang Peace and Security Cluster Meeting upang mapabilis ang koordinasyon, agarang matugunan ang mga isyu sa seguridad, at mapalakas ang pagpapalitan ng impormasyon sa pagitan ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan.
Napagpasyahan din na pagtuunan sa susunod na pagpupulong ang paghahanda para sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections at Barangay Elections 2026 upang matiyak ang mapayapa, maayos, at ligtas na pagsasagawa ng halalan sa buong SGA-BARMM.

















