Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa pamamaslang sa vlogger at content creator na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, habang patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang lahat ng posibleng motibo sa krimen.
Ayon kay PNP Spokesperson P/Col. Allan Rae Co, kabilang sa mga iniimbestigahang anggulo ang trabaho ni Lipata bilang content creator, ang kanyang mga aktibidad, mga posibleng kaugnayan sa pulitika, negosyo, at maging ang kanyang personal na buhay.
Iginiit ni Co na wala pang anumang teorya ang isinasantabi ng pulisya sa pagtukoy sa motibo ng pamamaril at patuloy ang pangangalap ng ebidensya upang matukoy ang mga responsable sa insidente.
Nakilala si Lipata sa social media dahil sa kanyang mga komentaryo hinggil sa mga usaping pampulitika at panlipunan. Sa kanyang mga online platform, hayagan din siyang nagpahayag ng suporta sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at naging kritiko ni Vice President Sara Duterte.
Napatay si Lipata matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin na sakay ng motorsiklo sa labas ng kanyang bahay sa Barangay 171, Caloocan City, madaling-araw ng Hulyo 17.
Batay sa paunang imbestigasyon, kararating lamang ng biktima at ng kanyang partner sa kanilang tahanan sakay ng sasakyan nang lapitan sila ng dalawang armadong lalaki. Habang bumababa si Lipata sa sasakyan ay pinaputukan siya ng mga suspek sa malapitan bago mabilis na tumakas.
Idineklara siyang dead on arrival sa ospital, habang nasugatan naman ang kanyang partner sa naturang insidente.
Bilang bahagi ng masinsing imbestigasyon, bumuo ang Northern Police District (NPD) ng Special Investigation Task Group (SITG) “MIMA” na siyang mangunguna sa pagtutok sa kaso.
Samantala, tumanggi si P/Col. Co na magbigay ng karagdagang detalye hinggil sa progreso ng imbestigasyon upang hindi umano makompromiso ang isinasagawang operasyon at pagtugis sa mga suspek.

















