Nasawi ang isang pulis ng Police Regional Office-BARMM matapos umanong pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki sa Carmen, Cotabato Province kagabi, Setyembre 25.
Kinilala ang biktima na si Patrolman Faisal Buisan Alang, 28-anyos, residente ng President Roxas, North Cotabato, at miyembro ng 1405th Maneuver Force Company ng Regional Mobile Force Battalion 14-A na nakatalaga sa Malidegao, SGA-BARMM.
Naganap ang pamamaril dakong alas-8:40 ng gabi sa bahagi ng Sayre Highway, Sitio Raberran, Barangay General Luna.
Natagpuan si Alang ng mga rumespondeng pulis na nakahandusay sa gilid ng highway at may tama ng bala sa ulo, habang nasa tabi nito ang kanyang motorsiklo.
Isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Carmen Municipal Police Station, dalawang lalaki na sakay ng Bajaj motorcycle ang posibleng nasa likod ng pamamaril.
Narekober sa crime scene ang motorsiklo ng biktima at isang 9mm pistol na hinihinalang kanyang issued service firearm.
Nagpapatuloy ang follow-up operation at imbestigasyon upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan at ang motibo sa krimen.

















