Patay ang isang retiradong opisyal ng Philippine Army matapos tambangan ng mga armadong suspek sa bayan ng Matalam, Cotabato.

Dead on the spot ang biktima na si Retired Colonel Leonardo Songcaya, 68 taong gulang, may asawa, at residente ng Purok Asuzena B, Barangay Poblacion, matapos ang pananambang na naganap umaga ng Biyernes, Pebrero 6, sa Purok Anthurium ng nasabing bayan.

Batay sa ulat ng pulisya, minamaneho ni Songcaya ang kanyang Nissan Navarra pickup nang harangin ito ng mga suspek at pagbabarilin nang paulit-ulit, dahilan ng agarang pagkasawi dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ayon sa mga awtoridad, posibleng pinagsamang M16 Armalite rifle at kalibre .45 na pistola ang ginamit sa krimen.

Kilala si Col. Songcaya hindi lamang sa Matalam kundi sa buong lalawigan bilang pangulo ng Provincial Federation of Senior Citizens at pinuno rin ng mga communal irrigators sa probinsya.

Sa kabila ng trahedya, mariing kinondena ni North Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza ang insidente at ang sunod-sunod na karahasan sa Matalam, kabilang ang nasabing ambush na ikinasawi ni Col. Songcaya, na naganap bandang 11:45 ng umaga sa boundary ng Barangay Poblacion at Kidama.

Ayon sa gobernador, malinaw na paglabag sa batas at direktang banta sa kapayapaan at seguridad ng lalawigan ang mga insidente. Inaatasan niya ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Department of the Interior and Local Government, lokal na pamahalaan ng Matalam, at iba pang kinauukulang ahensya na paigtingin ang operasyon, tuklasin, at papanagutin ang mga salarin.

Mariing ipinanawagan ni Mendoza sa publiko ang pakikipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon at pag-iwas sa pagpapakalat ng maling balita na maaaring magdulot ng kalituhan sa komunidad.

Tiniyak ng gobernador na walang lugar sa lalawigan ang karahasan, at patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan at kapulisan upang mapanatili ang seguridad at katahimikan sa Matalam at karatig na lugar.

Sa ngayon, patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo at makilala ang mga suspek sa karumal-dumal na krimen.