Nagsagawa ng forced evacuation at rescue operations ang lokal na pamahalaan ng Ampatuan sa Maguindanao del Sur sa tatlong barangay matapos tumaas ang lebel ng tubig at lumaki ang banta ng pagbaha dulot ng patuloy na pag-ulan.

Isinagawa ang operasyon nitong Hulyo 24 sa mga Barangay Malatimon, Kapinpilan, at Kakal sa utos ni Ampatuan Mayor Datu Rasul M. Sangki.

Pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO sa pamumuno ni Rhea Tiemsem-Martin ang operasyon, katuwang ang Disaster Search and Rescue Team, Charlie Coy, 90th Infantry Battalion, PNP-Ampatuan Station, at Bureau of Fire Protection o BFP-Ampatuan.

Ayon sa MDRRMO, layunin ng sapilitang paglikas na matiyak ang kaligtasan ng mga residenteng nasa mga lugar na mataas ang panganib dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig at posibleng pagbaha.

Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa mga residente, lalo na sa mga nakatira sa mabababang lugar at flood-prone areas, na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na sumunod sa mga evacuation advisories upang maiwasan ang anumang sakuna.

Nagpasalamat din ang LGU Ampatuan sa lahat ng mga responder at partner agencies na patuloy na nagsasagawa ng mabilis na pagtugon upang matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong residente.