Naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), katuwang ang iba pang law enforcement units, ang ika-siyam sa listahan ng Regional Most Wanted Persons sa mismong Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) nitong Linggo, Agosto 10.
Kinilala ang suspek bilang si “Commander Endo” o alyas Ali Akbar, 35 taong gulang, residente ng Barangay Tuka, Mamasapano, Maguindanao del Sur. Batay sa CIDG, may nakabinbing warrant of arrest laban sa kanya para sa kasong murder at attempted murder na inilabas noong 2024.
Kasunod ng pag-aresto, nananatili ang akusado sa hospital arrest habang nasa kustodiya ng Cotabato City Police Station 2 para sa karampatang disposisyon ng korte.