Nakatakdang makipagpulong sina Ukraine President Volodymyr Zelensky at Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu kay U.S. President Donald Trump sa White House ngayong Martes, Hulyo 28, upang talakayin ang mga usaping may kaugnayan sa nagpapatuloy na sigalot sa Ukraine at Middle East.

Ayon sa White House, magkahiwalay na isasagawa ang pagpupulong nina Trump at Netanyahu, kung saan pag-uusapan ang sitwasyon sa Iran, ang nagpapatuloy na negosasyon sa Lebanon, at ang pagpapalawak ng Abraham Accords na naglalayong palakasin ang ugnayan ng Israel at ilang bansang Arab.

Bagama’t inamin ni Trump na may ilang hindi sila pagkakasundo ni Netanyahu kaugnay ng Iran, sinabi nitong nananatiling magkatulad ang kanilang pananaw sa mahahalagang usapin.

Samantala, inaasahan ding pag-uusapan nina Trump at Zelensky ang usad ng peace process sa pagitan ng Russia at Ukraine. Ayon sa isang opisyal ng Estados Unidos, panahon na upang magkaroon ng hakbang tungo sa pagtatapos ng digmaan sa pagitan ng dalawang bansa.

Nauna nang pinabulaanan ni Trump ang pahayag ni Zelensky na umano’y nagbibigay ang Russia ng intelligence information sa Iran kaugnay ng mga base militar ng Amerika. Ayon sa Pangulo ng Estados Unidos, wala siyang nakikitang matibay na batayan upang suportahan ang naturang alegasyon.