Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa posibilidad ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng bansa dahil sa umiiral na mga weather system.
Sa weather forecast na inilabas PAGASA, patuloy na nakaaapekto ang easterlies sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Bicol Region, Eastern Visayas at iba pang bahagi ng Mindanao.
Dahil dito, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa mga nabanggit na lugar. Nagbabala rin ang ahensya sa posibilidad ng flash floods at landslides lalo na sa panahon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na papawirin na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms bunsod ng localized thunderstorms. Posible rin umano ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na maaapektuhan ng matitinding thunderstorm.
Ayon sa forecast, magiging mahina hanggang katamtaman ang lakas ng hangin sa malaking bahagi ng bansa, habang ang mga baybaying dagat ay mananatiling banayad hanggang katamtaman ang pag-alon.
Nagpaalala ang PAGASA sa publiko na manatiling alerto sa mga opisyal na weather advisories at magsagawa ng kaukulang pag-iingat lalo na sa mga lugar na bulnerable sa pagbaha at landslide.

















