Wala pang kumpirmasyon sa umano’y koalisyon sa pagitan ng BARMM Grand Coalition o BGC at United Bangsamoro Justice Party o UBJP para sa pagbuo ng susunod na pamahalaang Bangsamoro.

‎Lumutang sa social media matapos ang Setyembre 14 BARMM Parliamentary Elections ang mga ulat hinggil sa umano’y alyansa ng dalawang partido para makabuo ng mayorya sa 80-member Bangsamoro Parliament.

‎Sa halip, naghayag ng suporta si Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Adiong, secretary-general ng BGC, kay Interim Chief Minister at Member of Parliament-elect Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua para sa pagpapatuloy ng liderato nito sa Bangsamoro Government.

‎Ayon sa inilabas na pahayag, sinabi ni Adiong na personal at political support niya ang pagpapatuloy ng liderato ni Macacua at naniniwala siyang maaari itong makakuha ng nominasyon para maging susunod na Chief Minister.

‎Ang pahayag ni Adiong ay dumating matapos ang halalan kung saan nakakuha ang BGC ng walong puwesto sa Regional Parliamentary Political Party component ng Parliament, habang 16 ang nakuha ng BFP at 15 naman ng UBJP.

‎Samantala, sinabi naman ni BFP Spokesperson at Cotabato City Parliamentary District Representative-elect Atty. Naguib Sinarimbo na prayoridad ng kanilang partido ang pakikipag-usap at pagbuo ng koalisyon sa mga partidong may kaparehong layunin para sa Bangsamoro.

‎Ayon kay Sinarimbo, isinasagawa na ng BFP ang mga pag-uusap para sa posibleng mga kaalyado nito bago ang pagbubukas ng unang regular na Bangsamoro Parliament.

‎Sinabi rin niyang maaaring umabot sa 56 ang kabuuang bilang ng kanilang bloc kung makakakuha sila ng sapat na suporta mula sa iba pang mga partido.

‎Kailangan ng hindi bababa sa 41 miyembro para magkaroon ng mayorya sa 80-member Bangsamoro Parliament.

‎Sa kasalukuyan, wala pang pinal na kumpirmasyon mula sa mga partido hinggil sa anumang pormal na BGC-UBJP coalition, habang nagpapatuloy ang mga konsultasyon at pag-uusap para sa pagbuo ng susunod na pamahalaang Bangsamoro.

‎Inaasahang magiging mahalagang usapin ang pagbuo ng mga alyansa bago ang panunumpa at pagsisimula ng termino ng mga bagong halal na Parliament Members sa Oktubre 30, 2026.