Niyanig ng magkasunod na malalakas na lindol ang Venezuela kahapon, June 24, 2026, na nagdulot ng pinsala sa mga gusali at imprastraktura sa kabiserang Caracas at nagpalala sa pangamba ng mga awtoridad sa posibleng mataas na bilang ng mga nasawi at nasugatan.
Batay sa datos ng United States Geological Survey (USGS), unang tumama ang magnitude 7.2 na lindol dakong alas-10:04 ng gabi (GMT) malapit sa San Felipe, kanluran ng Caracas. Wala pang isang minuto ang lumipas nang sundan ito ng mas malakas na magnitude 7.5 na lindol malapit naman sa Yumare. Kapwa matatagpuan ang mga episentro sa kanlurang bahagi ng kabisera.
Dahil sa lakas ng mga pagyanig, nagkaroon ng pinsala sa ilang gusali at iba pang imprastraktura habang maraming residente ang nagmadaling lumikas at nagtungo sa mas ligtas na lugar. Sa mga larawang at bidyong kumalat sa social media, makikita ang mga gumuhong bahagi ng gusali, nagkalat na debris, at mga residenteng nagtatakbuhan upang makaiwas sa panganib.
Ayon sa USGS, posible ang malawakang pinsala at mataas na bilang ng mga biktima dahil sa tindi ng dalawang lindol. Patuloy naman ang assessment at search-and-rescue operations ng mga awtoridad habang inaalam pa ang kabuuang lawak ng pinsala at bilang ng mga naapektuhan.

















