Inaasahan ang posibleng pagpasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong weekend ng isang sama ng panahon na maaaring maging ganap na bagyo, ayon sa mga weather monitoring agency.

Sa kasalukuyang obserbasyon, ang low pressure area (LPA) sa silangan ng bansa ay patuloy na lumalakas at namataan sa layong humigit-kumulang 2,110 kilometro silangan ng Eastern Visayas.

Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna, habang pumapalo naman sa 70 kilometro bawat oras ang bugso ng hangin.

Kapag tuluyang pumasok sa PAR, inaasahang papangalanan itong Francisco.

Bagama’t mababa ang tsansang tumama o mag-landfall sa lupa, posible pa rin umano nitong palakasin ang habagat na maaaring magdala ng mga pag-ulan sa Palawan, Visayas, at ilang bahagi ng Mindanao.

Samantala, patuloy na umiiral ang easterlies na nakakaapekto sa malaking bahagi ng bansa. Inaasahang makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Metro Manila, Visayas, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Bicol Region, lalo na sa hapon at gabi.

Nagpaalala ang mga weather authorities sa posibleng pagbaha at landslides sa mga lugar na makararanas ng malalakas na thunderstorms.