Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang ₱2 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa isinagawang checkpoint operation noong May 23, 2026 sa Barangay Tambo, Munai, Lanao del Norte.
Ayon sa ulat, pinara ng mga tauhan ng 1st Provincial Mobile Force Company ng Lanao del Norte Police Provincial Office katuwang ang iba pang law enforcement units ang tatlong sasakyan na kinabibilangan ng dalawang Toyota Revo at isang Isuzu Crosswind matapos mapansing may kargang hinihinalang smuggled cigarettes.
Kinilala ang mga driver sa alyas na Jarold, Rashid, at Salman.
Sa isinagawang inspeksyon, nabigo ang mga ito na magpakita ng kaukulang dokumento para sa naturang kargamento, dahilan upang agad na kumpiskahin ang mga laman ng mga sasakyan.
Umabot sa 50 master cases o katumbas ng 2,500 reams ng iba’t ibang brand ng sigarilyo ang nakumpiska, na may tinatayang market value na ₱2 milyon.
Dinala sa Munai Municipal Police Station ang tatlong driver para sa dokumentasyon, habang nasa kustodiya naman ng 1st PMFC ang mga nakumpiskang sigarilyo at sasakyan bago ito i-turnover sa Bureau of Customs para sa kaukulang disposisyon.

















