Arestado ang mag-ama umanong tulak ng ilegal na droga matapos silang mabitag sa isang matagumpay na buy-bust operation ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station (DOS MPS) sa Sitio Gubat, Barangay Makir, Maguindanao del Norte kahapon, Hulyo 30.

Kinilala ni PLTCol. Esmael Madin, hepe ng DOS PNP, ang mga suspek na sina Noel at Esmael Silba, kapwa nasa tamang gulang at residente ng bayan ng Talitay.

Nasamsam mula sa mga suspek ang tatlong malalaking pakete ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 150 gramo at may tinatayang street value na ₱1,020,000.00.

Ayon kay PLTCol. Madin, bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng kanilang himpilan laban sa iligal na droga sa lalawigan. Nagbabala rin siya sa mga sangkot pa sa ganitong aktibidad na itigil na ang kanilang operasyon bago pa sila masunod.

Kasalukuyang nakakulong sa Datu Odin Sinsuat MPS ang dalawang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.