Patay ang dalawang katao habang sugatan naman ang isa pa matapos ang insidente ng pamamaril sa Barangay Sambulawan, Kadayangan, Special Geographic Area o SGA sa BARMM kahapon ng hapon, Abril 19.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ambi Tukuran at Ali Habib Lumilis, kapwa magsasaka, habang patuloy na ginagamot sa ospital ang isa pang biktima na si Edmund Aliso.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang mga biktima at patungo sana sa Midsayap, North Cotabato nang pagbabarilin sila ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay rin ng motorsiklo malapit sa Barangay Hall ng Sambulawan.

Nakasuot umano ng bonnet ang mga salarin at agad tumakas matapos ang insidente.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Kadayangan Municipal Police Station katuwang ang Regional Mobile Force Battalion at mga sundalo ng 33rd Infantry Battalion ng Philippine Army, kung saan mabilis na naisugod sa ospital ang mga biktima.

Gayunman, idineklarang dead on arrival ang dalawa habang patuloy na nilalapatan ng lunas ang sugatang biktima.

Sa isinagawang pagproseso sa pinangyarihan ng krimen, nakarekober ang mga awtoridad ng mga basyo ng bala mula sa hinihinalang M16 rifle at kalibre .45 na baril.

Pinaniniwalaang may kaugnayan sa rido o alitang pampamilya ang motibo sa krimen, bagamat patuloy pa itong iniimbestigahan ng mga awtoridad.

Samantala, nagsagawa na ng hot pursuit operation ang Kadayangan MPS katuwang ang RMFB at 33rd Infantry Battalion, habang naglatag naman ng mga checkpoint sa mga karatig lugar upang matukoy at agad na madakip ang mga suspek.