Idineklara na bilang may Stable Internal Peace and Security (SIPS) o insurgency-free ang tatlong bayan sa Maguindanao del Sur.
Kabilang sa mga idineklarang ligtas at mapayapang lugar ang mga bayan ng Datu Anggal Midtimbang, Talayan, at Guindulungan, bilang pagkilala sa kanilang tagumpay sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Isinagawa ang symbolic signing ng deklarasyon sa bayan ng Talayan bilang pagpapakita ng pagkakaisa ng pamahalaan, security sector, at mga mamamayan sa patuloy na pangangalaga sa kapayapaan sa lalawigan.
Pinangunahan ang seremonya nina 6th Infantry Division Assistant Division Commander at 601st Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Edgar L. Catu, Maguindanao del Sur Governor Datu Ali Midtimbang, at Maguindanao del Sur Police Provincial Office Director PCOL Michael John C. Mangahis, kasama ang iba pang opisyal ng militar, pulisya, at mga lokal na pamahalaan.
Dumalo rin sa programa ang mga kinatawan ng Bangsamoro Transition Authority, Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity, Joint Normalization Committee-MILF, mga religious leader, at iba pang peace stakeholders.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Governor Midtimbang na ang deklarasyon ay hindi lamang isang tagumpay kundi isa ring malaking pananagutan upang mapanatili ang kapayapaang nakamit at maisulong pa ang pag-unlad ng lalawigan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng lahat ng sektor.
Binigyang-diin naman ni Brig. Gen. Catu na ang pagpapanatili ng kapayapaan ay responsibilidad ng bawat mamamayan at hindi lamang ng militar at pulisya. Aniya, mahalaga ang patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan at komunidad upang mapanatiling ligtas at maayos ang mga pamayanan.
Samantala, ipinahayag ni 6th Infantry Division Commander Maj. Gen. Jose Vladimir R. Cagara ang buong suporta ng hukbong sandatahan sa mga programang nagtataguyod ng pangmatagalang kapayapaan. Hinikayat din niya ang iba pang mga bayan sa Maguindanao del Sur at sa buong BARMM na magsikap na makamit ang parehong deklarasyon upang tuluyang maging mapayapa ang buong rehiyon.

















