Patuloy ang isinasagawang pursuit operations ng mga kasundaluhan sa Datu Hofer, partikular sa paligid ng Barangay Tuayan, kung saan naganap ang engkwentro laban sa armadong grupo.
Ang naturang lugar ay binubuo ng mabundok na terrain at makakapal na kagubatan kaya’t nagpapatuloy ang operasyon ng mga tropa mula sa 90th Infantry Battalion ng 6th Infantry Division.
Naganap ang engkwentro bandang alas-11 ng umaga kahapon, matapos ang ilang araw na operasyon sa lugar, ayon kay Lt. Col. Ronald E. Suscano, Spokesperson ng 6ID at Commanding Officer ng 6th Civil-Military Operations Battalion.
Sa naturang sagupaan, tatlong miyembro ng Dawlah Islamiyah ang nasawi habang tatlong high-powered firearms ang narekober ng mga kasundaluhan.
Wala namang naitalang nasugatan sa panig ng pwersa ng gobyerno sa nasabing operasyon.
Samantala, kasalukuyang nasa lugar na ang mga tauhan ng Philippine National Police, SOCO para sa pagkakakilanlan ng mga nasawing indibidwal.
Narekober din sa operasyon ang mga M4 at M16 rifles na umano’y ginamit ng armadong grupo.
Tiniyak ng mga awtoridad na nananatiling ligtas ang mga sibilyan at walang naitatalang evacuation sa Barangay Tuayan sa kabila ng patuloy na operasyon.
Patuloy pa ang clearing at pursuit operations ng mga kasundaluhan sa lugar habang mahigpit ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at kaukulang ahensya para sa seguridad ng komunidad.

















