Patay ang tatlong hinihinalang miyembro ng komunistang teroristang grupo at isang sundalo matapos ang matinding engkwentro sa Barangay Datu Ito Andong, Kalamansig, Sultan Kudarat madaling araw ng Hunyo 19, 2025.
Ayon kay Lt. Col. Christopherson Capuyan, Commander ng 37th Infantry Battalion, nagsasagawa ng operasyon ang kanilang yunit nang maka-engkwentro ang grupo ni Eusivio Cranzo alyas Agaw/Brix. Umabot sa higit isang oras ang palitan ng putok na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong rebelde na may kinakaharap na mga kasong attempted murder, frustrated murder, at murder.
Narekober sa lugar ang tatlong M16 rifles, mga magasin, bala, at personal na gamit. Sa panig ng militar, nasawi rin ang isang sundalo na nagpakita ng kabayanihan sa gitna ng sagupaan.
Iniutos ni Brig. Gen. Michael Santos, Commander ng 603rd Brigade, ang mas pinaigting na operasyon laban sa nalalabing rebelde. Nagpahayag din siya ng pakikiramay sa pamilya ng nasawing sundalo at nangakong bibigyan ng disenteng libing ang mga nasawing rebelde bilang respeto sa karapatang pantao.
Samantala, nanawagan si Maj. Gen. Donald Gumiran ng 6th Infantry Division sa mga natitirang rebelde na isuko na ang armas at magbalik-loob sa pamahalaan.
Patuloy ang operasyon ng militar para tiyakin ang seguridad sa lugar.