Sugatan ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte kagabi.
Kinilala ang biktima na si Albino, may asawa, nasa hustong gulang, at residente ng Barangay Poblacion 7, Cotabato City.
Naganap ang insidente bandang alas-6:50 ng gabi sa bahagi ng Crossing Pinaring, Barangay Limbo.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, sakay ng kanyang tricycle ang biktima nang bigla na lamang siyang pagbabarilin ng suspek gamit ang hindi pa matukoy na maikling baril pagdating sa lugar ng insidente.
Nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at agad na isinugod ng mga sibilyan sa Cotabato Sanitarium and General Hospital para sa agarang gamutan.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad ilang minuto matapos mai-report ang insidente at nagsagawa ng crime scene processing sa tulong ng SOCO.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang dragnet at hot pursuit operations ng pulisya para sa posibleng pagkakaaresto ng suspek na nananatiling at large.
Patuloy ding iniimbestigahan ang motibo ng pamamaril.

















