Tatlumpu’t dalawang dating miyembro ng mga violent extremist group ang nabigyan ng cash assistance ng pamahalaan bilang bahagi ng programang tumutulong sa kanilang pagbabalik-loob at reintegrasyon sa lipunan.

Isinagawa ang pamamahagi ng ayuda sa himpilan ng 601st Infantry Brigade, sa pangunguna ni Brig. Gen. Edgar L. Catu. Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan ng Ministry of Public Order and Safety (MPOS)-BARMM, gayundin ang mga opisyal ng 90th Infantry Battalion, 38th Infantry Battalion, 34th Infantry Battalion, at 601st Infantry Brigade.

Ayon sa militar, layunin ng programa na tulungan ang mga dating miyembro ng mga violent extremist group na makapagsimula ng panibagong buhay at makabalik sa kanilang mga komunidad sa pamamagitan ng suporta mula sa pamahalaan.

Isa sa mga benepisyaryo ang nagpahayag ng pasasalamat sa mga tulong na kanilang natanggap at sa pagkakataong makapagsimula muli kasama ang kanilang pamilya.

Samantala, sinabi ni Brig. Gen. Edgar L. Catu na mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan at iba pang katuwang na ahensya upang maging matagumpay ang reintegrasyon ng mga nagbalik-loob sa lipunan.

Nagpaabot naman ng pagkilala si Maj. Gen. Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, sa patuloy na suporta ng MPOS-BARMM at sa mga yunit ng militar na katuwang sa pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan. Hinikayat din niya ang iba pang miyembro ng mga armadong grupo na magbalik-loob at samantalahin ang mga programang inilaan ng pamahalaan tungo sa mapayapang pamumuhay.