Sumuko sa pamahalaan ang apat na dating miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Sarangani Province bilang resulta ng pinaigting na operasyon ng seguridad at mga programang pangkapayapaan ng gobyerno.
Kinilala ang mga sumuko sa kanilang mga alyas na King, Jack, at Alas mula Maasim, at isang menor de edad na tinukoy bilang Mobil mula Kiamba. Pormal silang ipinrisinta sa mga lokal na opisyal noong Mayo 7, 2026 sa tulong ng 603rd Infantry Brigade at 105th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ayon sa militar, naging posible ang kanilang pagsuko dahil sa patuloy na operasyon ng intelligence units at pagpapatupad ng Mobile Community Support Sustainment Program o MCSSP. Isa rin umanong malaking salik ang takot ng mga dating rebelde matapos ang engkwentro sa Brgy. Kematu, T’boli, South Cotabato noong Marso 3, 2026, kung saan sila ay napilitang tumakas at kalaunan ay sumuko sa mga puwersa ng gobyerno.
Sa kanilang salaysay, inilarawan ng mga sumuko ang hirap ng buhay sa kilusan kabilang ang kakulangan sa pagkain, pagod, at patuloy na pagtatago. Ayon pa sa kanila, unti-unti na rin umanong nawawalan ng suporta ang kanilang grupo mula sa ilang residente sa lugar.
Samantala, nagpaabot ng tulong ang mga lokal na pamahalaan ng Maasim at Kiamba kabilang ang rice assistance at financial aid bilang bahagi ng reintegration efforts sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.
Hinimok nina Maasim Mayor Zyrex Pacquiao at Kiamba Mayor George Falgui ang mga dating rebelde na manatili sa landas ng kapayapaan at samantalahin ang mga programang pangkabuhayan ng gobyerno para sa mas maayos na pamumuhay.
Ayon naman sa 603rd Infantry Brigade, ang patuloy na pagdami ng mga sumusuko ay patunay ng lumalakas na kampanya ng pamahalaan laban sa insurgency at ng lumalawak na tiwala ng komunidad sa mga programang pangkapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.

















