Apat na wanted persons ang nasawi habang isa pa ang nadakip sa magkasanib na operasyon ng Philippine National Police at Philippine Army laban sa isang armadong grupong sangkot umano sa iba’t ibang kriminal na aktibidad sa Barangay Pantar, Banisilan, Cotabato.

Isinagawa ang Joint Law Enforcement Support Operation (JLESO) mula July 8 hanggang 9, na pinangunahan ng Banisilan Municipal Police Station at ng Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD), sa pakikipagtulungan ng mga yunit ng Philippine Army.

Layunin ng operasyon na ipatupad ang mga warrant of arrest laban sa grupo ni Medalya Sultan Tidong, alyas Kumander Tanda, na kabilang sa mga most wanted person sa bayan ng Banisilan.

Ayon sa ulat, sinalubong ng putok ng mga armadong suspek ang mga operatiba habang papalapit sa target na lugar, na nauwi sa palitan ng putok. Matapos ang engkwentro, umatras ang mga suspek patungo sa kabundukan ng Sitio Kalantay.

Sa nagpapatuloy na pursuit operation, nadakip si Madali Sultan, isa ring wanted person, habang nagtatago sa lugar. Narekober mula sa kanya ang isang M16 rifle.

Kinabukasan, July 9, muling nakasagupa ng mga tropa ang tatlong armadong lalaki na pinaniniwalaang kabilang sa grupo ni Kumander Tanda. Sa naturang operasyon, napatay si Wawie Mananpen Sultan, alyas Wawi Tidong, na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9516 o Illegal Possession of Explosives at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sa kabuuan ng operasyon, apat na wanted persons ang nasawi habang isa ang naaresto. Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang apat na M16 rifle, isang magazine-fed semi-automatic shotgun, limang steel magazine, at 70 bala. Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa panig ng mga pwersa ng pamahalaan.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang grupo ni Kumander Tanda ay pinaniniwalaang kabilang sa support network ng yumaong lider ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group, na kilala bilang Alpha King, at umano’y sangkot sa ilegal na droga at iba pang gawaing kriminal.

Patuloy naman ang isinasagawang pursuit, clearing, at investigation operations ng mga awtoridad upang matunton ang iba pang kasapi ng grupo at matiyak ang seguridad sa Banisilan at mga karatig na lugar.