Kabilang ang kabuuang 451 dating combatants sa mga benepisyaryo ng Bangsamoro Government Manasikul Hajj Program para sa 2026 pilgrimage sa Mecca, bilang bahagi ng peace and reintegration initiative ng rehiyon.

Ayon sa Bangsamoro Pilgrimage Authority (BPA), layunin ng programa na matulungan ang mga kwalipikadong benepisyaryo, kabilang ang mga dating kasapi ng armadong grupo, na makapag-Hajj sa pamamagitan ng subsidized o libreng pilgrimage.

Bilang paghahanda, isinailalim sa pagbabakuna ang mga kalahok mula Abril 13 hanggang 15 sa Bangsamoro Government Center sa Cotabato City, sa tulong ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF), Ministry of Health, at Cotabato City Health Office.

Sinabi ng mga opisyal na bahagi ng requirements ng Saudi Arabia ang vaccination at iba pang health protocols, habang patuloy ding tinutugunan ang hamon sa digital issuance ng International Certificate of Vaccination (ICV) para sa ilang benepisyaryo.

Isinagawa rin ang Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) at coordination sa iba’t ibang ahensya upang matiyak ang maayos at ligtas na paglalakbay ng mga pilgrims.