Patuloy ang pagpapalawak ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central (6ID/JTFC) sa kanilang Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) operations upang matulungan ang mga komunidad na naapektuhan ng kamakailang lindol sa ilang bahagi ng Mindanao.
Sa Camp Siongco, Maguindanao del Norte, sinabi ng 6ID/JTFC na patuloy silang naghahatid ng malinis na tubig, relief assistance, transport support, at seguridad para sa mga residenteng naapektuhan sa SOCCSKSARGEN.
Sa Maasim, Sarangani Province, nagtulungan ang mga tauhan ng 105th Infantry Battalion, Emergency Response Company (ERC), Bureau of Fire Protection (BFP), at 12th Forward Service Support Unit sa pagde-deploy ng Mobile Water Purification Station sa Sitio Linao, Barangay Tinoto upang matugunan ang kakulangan sa ligtas na inuming tubig.
Ayon sa ulat, nasa 600 residente ang nakinabang sa operasyon, habang tinatayang 190 gallons ng malinis na tubig ang naiproseso para sa mga apektadong pamilya. Tumulong din ang mga sundalo at responders sa pamamahagi ng relief goods mula sa mga civilian volunteers para sa mga residenteng lumikas dahil sa lindol.
Bukod sa relief operations, nagbigay rin ng manpower assistance, crowd control, at area security ang 105th Infantry Battalion sa isinagawang distribution ng ayuda sa ilalim ng Iglesia Ni Cristo’s Lingap sa Mamamayan Program sa Municipal Evacuation Center sa Barangay Colon, Maasim.
Patuloy din ang pagbabantay ng mga tropa sa mga lugar na may nasirang imprastraktura, kabilang ang Kumaba Bridge sa Barangay Kanalo na naging hindi madaanan matapos ang lindol.
Samantala, nananatiling abala ang mga disaster response teams ng dibisyon sa paghahatid at pamamahagi ng humanitarian assistance sa iba’t ibang apektadong lugar. Pinangunahan ng mga sundalo ang pagbiyahe ng humigit-kumulang 400 kahon ng relief goods mula General Santos City patungo sa mga komunidad na naapektuhan ng sakuna.
Tumulong din ang mga tauhan sa loading at unloading ng relief supplies sa mga pangunahing distribution points, kabilang ang pag-asikaso sa ayuda mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na idinaan sa General Santos City International Airport.
Sa Tacurong City naman, nakibahagi ang mga tauhan ng c kasama ang mga lokal na volunteer sa pagre-repack ng relief goods upang mapabilis ang distribusyon nito sa mga biktima ng lindol.
Iginiit ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central na mananatili silang katuwang ng mga komunidad habang nagpapatuloy ang recovery efforts. Patuloy rin umano silang makikipag-ugnayan sa mga local government unit, ahensya ng pamahalaan, civic organizations, at volunteers upang maipagpatuloy ang humanitarian assistance, mapanatili ang seguridad, at matulungan ang mga residenteng unti-unting makabangon mula sa epekto ng kalamidad.

















