Arestado ang siyam na tauhan ng Land Transportation Office (LTO) Caraga matapos masakote sa isang entrapment operation na isinagawa ng pinagsamang puwersa ng Philippine National Police (PNP) at mga opisyal mula sa LTO Central Office sa Agusan del Norte nitong Huwebes ng madaling-araw, Hunyo 18, 2026.
Batay sa ulat, ikinasa ang operasyon kasunod ng ilang buwang reklamo mula sa mga motorista at long-haul drivers hinggil sa umano’y pangingikil ng ilang LTO personnel sa gilid ng National Highway sa nasabing lugar, sa ilalim ng pekeng routine road inspections.
Sa aktuwal na operasyon, isa sa mga motorista ang umano’y hiningan ng P15,000 kapalit ng hindi pag-impound sa kanyang sasakyan, na naging mitsa ng entrapment operation.
Dito na tuluyang naaresto ang siyam na LTO personnel na agad ding dinala sa kustodiya ng mga awtoridad.
Kasalukuyang inihahanda ang mga kasong kriminal at administratibo laban sa mga suspek habang hinihintay ang opisyal na pahayag ng pamunuan ng LTO Region 13.

















