Siyam na dating kasapi ng armadong grupo ang nagbalik-loob sa pamahalaan nitong Disyembre 17, 2025, sa himpilan ng 1st Brigade Combat Team (1BCT) sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Ayon sa ulat, isa sa mga nagbalik-loob ay dating kasapi ng Dawlah Islamiyah (DI), habang walo naman ang mula sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Kabilang sa mga sumuko si alyas “Tata,” anak ng yumaong tagapagtatag ng BIFF, na nagpahayag ng kanyang determinasyon na tuluyan nang talikuran ang armadong pakikibaka.

“Napagtanto ko na wala talagang patutunguhan ang walang saysay na armadong pakikibaka. Ang nais ko ngayon ay makasama ang aking pamilya, magbagong-buhay, at mamuhay nang tahimik at marangal,” ayon kay alyas Tata sa isang panayam.

Ang mga nagbalik-loob ay iprinisinta kay Col. Rommel S. Pagayon, Acting Commander ng 1BCT, sa Brgy. Pigcalagan, Sultan Kudarat. Kasama sa isinukong kagamitan ang isang Ultimax rifle, Barrett, Carbine, Ingram rifle, M16, M14, Garand rifle, Mortar, at Springfield rifle.

Sinaksihan ang pagbabalik-loob ng mga lokal na opisyal kabilang sina Mayor Omar Ali ng Datu Salibo, MDS; Bassir Akmad Utto Jr., kinatawan ni Mayor ng Datu Saudi Ampatuan, MDS; at Ebrahim Guno, punong barangay ng Dapiawan, DSA, MDS.

Pinuri naman ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central (JTFC), ang hakbang ng mga dating armadong kasapi. “Ang kanilang pagbabalik-loob ay patunay na mas pinipili na ngayon ng marami ang kapayapaan kaysa karahasan. Patuloy na nananawagan ang 6ID at JTF Central sa lahat ng nalalabing kasapi ng mga armadong grupo na samantalahin ang pagkakataong ito—may puwang ang pagbabago, may pag-asa ang pagbabagong-buhay, at may suporta ang pamahalaan para sa isang mapayapa at marangal na kinabukasan,” ani Maj. Gen. Cagara.

Dagdag pa niya, mananatiling bukas ang mga yunit ng Kampilan Division, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya, sa pagtulong sa mga nais magbalik-loob at muling makapamuhay nang maayos sa kanilang komunidad.