Pinagbabaril ng tatlong armadong lalaki ang isang Indian national na nagtratrabaho bilang kolektor sa Sitio Datu Faisal, Barangay Limbo, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, kahapon ng hapon, Nobyembre 2, na agad nitong ikinasawi.
Kinilala ng Sultan Kudarat Municipal Police Station ang biktima na si Jagmeet Singh, walang asawa, at residente ng Barangay RH-10, Cotabato City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nangungolekta umano ng bayad mula sa kanyang mga kliyente si Singh sakay ng motorsiklo nang lapitan at pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima na agad nitong ikinamatay.
Patuloy naman ang follow-up investigation at hot pursuit operations ng mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang mga salarin.
Samantala, labis na dalamhati ang nararamdaman ng pamilya at mga kasamahan ng biktima sa marahas na sinapit ni Singh.


















