Arestado ang apat na indibidwal matapos ang matagumpay na joint law enforcement operation sa ilalim ng “Oplan Paglalansag Omega” noong Mayo 30, 2026, bandang 1:10 ng hapon sa Barangay Villarica, Midsayap, Cotabato.

Batay sa ulat, magkatuwang na nagsagawa ng operasyon ang Criminal Investigation and Detection Group CIDG) Maguindanao Provincial Field Unit, Midsayap Municipal Police Station, RMFB-14A, CIT Cotabato City, RIU15, PIT MDN, at PIU-CPPO na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek habang aktong nagbebenta ng mga baril sa isang undercover operative na poseur-buyer.

Nakumpiska sa operasyon ang isang M14 rifle 7.62mm, dalawang M16 rifles 5.56mm, boodle money na ginamit sa transaksyon, isang tunay na Php1,000 marked money, isang sako, kulay abong damit, isang kulay gray na Toyota Vios na may plakang AHA 8194, at dalawang cellphone.

Isinagawa ang inventory ng mga ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng mga saksi, habang agad ding ipinaalam sa mga suspek ang kanilang mga karapatan bago dinala sa CIDG Maguindanao Provincial Field Unit para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.