Patuloy ang pagsasagawa ng humanitarian assistance at disaster response operations ng 6th Infantry Division (6ID) at Joint Task Force Central (JTFC) upang matulungan ang mga komunidad na naapektuhan ng malakas na lindol sa ilang bahagi ng Mindanao.
Sa General Santos City, katuwang ng mga sundalo mula sa 105th Infantry Battalion ang City Disaster Risk Reduction and Management Office sa pagpapatuloy ng mga relief at response operations sa mga apektadong lugar. Nagsasagawa rin ng humanitarian assistance ang Emergency Response Company sa mga barangay ng Labangal, Calumpang, Apopong, at Fatima.
Noong Hunyo 10, agad ding rumesponde ang search and rescue teams ng militar sa isang naiulat na landslide incident sa Barangay San Jose bilang bahagi ng patuloy na emergency response efforts.
Samantala, nagdeploy naman ang 12th Forward Service Support Unit ng mobile water purification system sa General Santos Medical Center upang matiyak ang suplay ng malinis na inuming tubig para sa mga pasyente, bantay, at mga healthcare workers. Matapos matugunan ang pangangailangan ng ospital, inilipat ang pasilidad sa Purok Filomena sa Barangay Calumpang upang magbigay ng potable water sa mga residenteng naapektuhan ng lindol.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng militar sa Bureau of Fire Protection at iba pang ahensya upang mapalakas ang distribusyon ng tubig at iba pang pangunahing serbisyo sa mga apektadong komunidad.
Bukod dito, nagsasagawa rin ng damage assessment at validation operations ang mga disaster response teams ng 603rd Infantry Brigade sa mga bayan ng Kiamba, Maitum, Maasim, Lake Sebu, T’boli, Lebak, Kalamansig, at Palimbang.
Ayon sa 6ID, nananatiling nakahanda ang kanilang mga tauhan na magbigay ng karagdagang tulong habang nagpapatuloy ang assessment, relief, at recovery operations sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad.

















