Nagdulot ng paglikas ng daan-daang pamilya ang naganap na armadong sagupaan sa Barangay Sambulawan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte kaninang umaga, Nobyembre 27, 2026.
Dahil sa pangambang maipit sa nagpapatuloy na bakbakan, nagdesisyon ang mga residente na lumikas at pansamantalang maghanap ng ligtas na lugar.
Samantala, pansamantalang itinigil ang klase sa Kirkir Elementary School upang magamit itong evacuation center para sa mga sibilyang naapektuhan ng insidente.
Batay sa paunang impormasyon, nagkaroon umano ng pagpasok at pagposisyon sa lugar ng mga armadong tauhan na pinamumunuan ni Kumander “Gringgo,” na sinasabing katiwala ni Kalanganan Barangay Captain Bimbo Ayunan, laban sa grupo ng Bangsamoro Islamic Armed Forces o BIAF na pinamumunuan naman ni Kumander Barang.
May mga ulat din ng mga nasugatan at nasawi mula sa magkabilang panig, subalit hindi pa nakukumpirma ng mga awtoridad ang kabuuang bilang ng mga biktima.
Ayon sa naunang impormasyon, nakatakda sanang magsagawa ng pagsasaayos o pag-uusap ang dalawang grupo, ngunit nauwi umano sa komprontasyon, suntukan, at pamamaril ang kanilang pagtitipon matapos magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng ilang tauhan.

















