Natipok ang Limang kabahayan sa sunog na sumiklab sa Purok Iglesia, Barangay Rosary Heights 5, Cotabato City, nitong Linggo, Nobyembre 29.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas-11:55 ng umaga at naitala ang unang tawag sa insidente bandang alas-12:00 ng tanghali.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Cotabato City Fire Station at iba pang fire stations, kasama ang limang fire truck, isang ambulansya at isang auxiliary volunteer.
Dakong alas-12:01 ng tanghali nang dumating ang mga bumbero sa lugar, habang alas-12:05 naman nagsimula ang operasyon ng pag-apula sa sunog.
Umabot sa unang alarma ang operational status ng insidente bago tuluyang idineklarang fire out dakong alas-12:45 ng tanghali.
Ayon sa BFP, tinatayang nasa 500 metro kuwadrado ang lawak ng lugar na naapektuhan ng sunog, kung saan limang pamilya ang kabilang sa mga residenteng naapektuhan.
Sa kabila nito, walang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente.
Patuloy namang inaalam ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsala.

















