Inilipat na sa kustodiya ng Bureau of Customs (BOC) ang hinihinalang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P5 milyon matapos itong makumpiska sa isinagawang anti-smuggling operation sa Governor Generoso, Davao Oriental.

Ayon sa Coast Guard District Southeastern Mindanao (CGDSEM), narekober ang mga kontrabando matapos makatanggap ng ulat mula sa isang Sea Sentinel fisherman tungkol sa mga abandonadong kahon ng hinihinalang smuggled cigarettes.

Agad na nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Coast Guard Stations sa Governor Generoso, San Isidro, Lupon, at Banaybanay na nagresulta sa pagkakarekober ng mga kontrabando.

Isinailalim na sa kustodiya ng Bureau of Customs ang mga nakumpiskang sigarilyo para sa kaukulang disposisyon at karagdagang imbestigasyon.

Patuloy namang pinaiigting ng mga kinauukulang ahensya ang kanilang kampanya laban sa smuggling at iba pang ilegal na kalakalan sa rehiyon.