Inambush ang isang military convoy ng Philippine Army habang bumibiyahe mula Tipo-Tipo patungong Lamitan City, Basilan ngayong araw ng Lunes, Oktubre 5.
Ayon sa initial report, dakong alas-7:45 ng umaga nang atakihin ng mga hindi pa nakikilalang armadong grupo ang convoy sa bahagi ng Sitio Bauno Dagao, Barangay Badja, Tipo-Tipo.
Pinamumunuan ang convoy ni Lieutenant Colonel Franco F. Baylon, Commanding Officer ng 45th Infantry Battalion, na sakay ng tatlong KM450 military trucks at tatlong civilian vehicles.
Sa naganap na palitan ng putok, 11 government personnel ang nagtamo ng iba’t ibang sugat, kabilang ang gunshot at shrapnel wounds sa ulo, katawan, binti, daliri at tiyan, batay sa listahan ng mga nasugatan sa initial report.
Kabilang sa mga sugatan ang mga sundalo mula sa 45th Infantry Battalion, 113th Regional Defense Command at 14th Cavalry, gayundin ang isang Civilian Armed Forces Geographical Unit o CAA member.
Samantala, sinabi sa military assessment na posibleng retaliation ang motibo sa pag-atake kaugnay ng naganap na operasyon sa Barangay Baimbing, Lamitan City, na ikinasawi ni Nermalyn Salapuddin Musa, na kinilalang asawa ni Saddam Siddick.
Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa pananambang at makumpirma ang motibo sa pag-atake.

















