Isang bangkay na hinihinalang kabilang sa mga nawawalang pasahero ng lumubog na MV Trisha Kerstin ang natagpuan sa Barangay Bagbagon, bayan ng Lantawan, Basilan, bandang alas-10:45 ng umaga nitong Pebrero 1, 2026.
Ayon sa ulat ng pulisya, habang nagsasagawa ng routine patrol ang mga tauhan ng Lantawan Municipal Police Station ay nakatanggap ang kanilang himpilan ng ulat mula sa pamunuan ng barangay hinggil sa pagkakatuklas ng isang patay na katawan sa nasabing lugar.
Agad na nagtungo ang mga awtoridad upang beripikahin ang impormasyon. Sa kanilang pagdating, napag-alamang ang bangkay ay naiahon na mula sa dagat sa tulong ng isang lokal na opisyal ng bayan, gamit ang speedboat.
Matapos ang beripikasyon, nagtungo ang mga pulis sa Barangay Tairan Wharf, kung saan naka-puwesto ang Philippine Coast Guard Lantawan, upang alamin ang kinaroroonan ng bangkay.
Kinumpirma kalaunan na ang naiahong bangkay ay direktang inihatid sa PCG Isabela City, alinsunod sa umiiral na mga protocol at pamantayang pamamaraan.
Batay sa paunang impormasyon, ang biktima ay hinihinalang kabilang sa mga pasaherong naiulat na nawawala matapos ang paglubog ng MV Trisha Kerstin.
Bilang bahagi ng opisyal na proseso, ang bangkay ay inilipat patungong Zamboanga City sakay ng sasakyang-dagat ng PCG upang makumpirma ng pamilya ang pagkakakilanlan.

















