Patuloy ang imbestigasyon ng Cotabato City Police Office – Police Station 1 kaugnay sa reklamong Large-Scale Estafa na isinampa laban sa ilang indibidwal na umano’y nasa likod ng tinatawag na “Benta Paluwagan Slot” investment scheme.
Batay sa ulat, mula Mayo 22, 2026 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa pitong (7) complainants at patuloy pang nadaragdagan ang mga biktima na pormal na naghain ng reklamo sa pulisya. Ang mga ito ay nagsampa ng kaso ng Large-Scale Estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code, habang ang ilan ay kumuha rin ng pribadong legal counsel para sa hiwalay na aksyon.
Ayon sa Police Station 1, kasalukuyang inihahanda ang pagsasampa ng kaso sa Office of the City Prosecutor. Nakasaad din na ang Large-Scale Estafa, lalo na kung maraming biktima, ay may mabigat na parusa sa ilalim ng batas, kabilang ang pagkakakulong, alinsunod sa Revised Penal Code at Securities Regulation Code (RA 8799).
Sa gitna ng imbestigasyon, isang babaeng tinukoy ng mga complainant bilang Bainars ang boluntaryong nagtungo sa Police Station 1 at humiling ng “safe keeping” dahil umano sa mga banta sa kanyang seguridad at takot para sa kanyang kaligtasan.
Ipinaliwanag naman ng pulisya ang kaibahan ng safe keeping at detention, at nilinaw na ito ay hindi maituturing na pagkakaaresto. Gayunman, nanatili umano ang nasabing indibidwal sa himpilan habang hinihintay ang resulta ng mga kasong isinampa laban sa kanya.
Patuloy na pinoproseso ng awtoridad ang mga reklamo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang kabuuang lawak ng umano’y investment scam.
















