Nilinaw ng Cotabato City Police Office o CCPO na hindi nito layunin ang makipagtalo sa usapin ng dami ng mga dumalo sa mga isinagawang pampublikong pagtitipon at rally sa lungsod.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng CCPO na ang mga bilang na inilalabas ng pulisya ay pawang operational estimates lamang na nagsisilbing gabay sa paglalatag ng mga tauhan, pagpapatupad ng seguridad, at pamamahala ng trapiko sa panahon ng mga aktibidad.
Binigyang-diin din ng CCPO na higit na mahalaga para sa kanilang tanggapan ang pagiging ligtas, maayos, at mapayapa ng bawat pagtitipon kaysa sa bilang ng mga dumalo rito.
Ayon pa sa pulisya, nananatili silang patas at walang kinikilingan sa lahat ng pampublikong pagtitipon. Pangunahing tungkulin anila ng CCPO ang tiyakin na ligtas ang bawat mamamayan at malaya nilang naipapahayag ang kanilang saloobin nang walang takot o pangamba.
Dagdag pa ng CCPO, ang mapayapang pagdaraos ng mga nagdaang rally sa Cotabato City ay patunay ng maayos na pagtutulungan ng mga organizer, mga kalahok, lokal na pamahalaan, at mga pwersang panseguridad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod.

















