Pormal na sinalubong ng 7th Infantry “TAPAT” Battalion ng 602nd Infantry “LIBERATOR” Brigade, 6th Infantry “KAMPILAN” Division, Philippine Army ang mga tauhan ng Task Force 92 sa isang seremonya sa Headquarters ng batalyon sa Barangay Pigcalagan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, kahapon Agosto 12, 2026.

Ang pagdating ng Task Force 92 ay bahagi ng paghahanda ng Philippine Army para sa 1st Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM Parliamentary Elections na nakatakda sa Setyembre 14, 2026.

Ayon sa Philippine Army, magsisilbi ang karagdagang pwersa bilang katuwang sa pagpapatupad ng mga hakbang pangseguridad ng 6th Infantry “KAMPILAN” Division, partikular sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad bago at habang isinasagawa ang halalan.

Malugod namang tinanggap ni Acting 602nd Infantry Brigade Commander Colonel Romeo N. Bautista III ang Task Force 92 at binigyang-diin ang kahalagahan ng koordinasyon, pagtutulungan at propesyonalismo sa pagtupad sa kanilang mandato.

Ang Task Force 92 ay binubuo ng mga tropa mula sa 1st Brigade Combat Team o 1BCT at mananatili sa Headquarters ng 7th Infantry “TAPAT” Battalion upang tumulong sa pagpapatupad ng mas pinaigting na seguridad para sa halalan.

Binigyang-diin din ng aktibidad ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga yunit ng Philippine Army at iba pang katuwang na ahensya ng pamahalaan para sa mapayapa, maayos at ligtas na pagsasagawa ng halalan sa BARMM.

Muling iginiit ng Philippine Army ang paninindigan nitong manatiling propesyonal, patas at walang kinikilingan sa anumang partido o kandidato, habang nakikipagtulungan sa Commission on Elections at iba pang ahensya upang matiyak na malayang maisasagawa ng mga mamamayan ng BARMM ang kanilang karapatang bumoto nang walang pangamba at walang pananakot.