Arestado ang dalawang babae matapos umano silang masangkot sa isang marahas na alitan na nagresulta sa kasong Frustrated Murder at Physical Injuries sa loob ng MSU Campus, Brgy. Dimalna, Marawi City nitong Hunyo 4, 2026.

Batay sa ulat ng Marawi City Police Station, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na kaguluhan sa lugar bandang 5:30 ng hapon. Agad namang rumesponde ang Alert Team Bravo ng Marawi CPS upang beripikahin ang insidente.

Sa paunang imbestigasyon, nagsimula umano ang alitan dahil sa hindi pagkakaunawaan habang nagsasagawa ng pagkukumpuni ng air-conditioning unit ang isa sa mga biktima sa harap ng kanilang tahanan. Ayon sa ulat, nagkaroon ng mainitang pagtatalo na kalaunan ay nauwi sa pisikal na komprontasyon.

Napag-alaman na isang lalaki ang nagtamo ng malubhang sugat sa ulo matapos umano siyang hampasin ng bladed weapon, habang dalawang babae naman ang nagtamo ng bahagyang pinsala sa katawan habang sinusubukang awatin ang gulo.

Naabutan pa ng mga rumespondeng pulis ang nagpapatuloy na kaguluhan kaya agad nilang naawat ang insidente at inaresto ang dalawang suspek. Dinala naman ang mga biktima sa Amai Pakpak Medical Center para sa agarang lunas.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Marawi City Police Station ang mga naarestong suspek para sa dokumentasyon at paghahanda ng kaukulang kaso na ihaharap sa tamang hukuman.

Patuloy ang paalala ng kapulisan sa publiko na pairalin ang mahinahong pakikipag-usap at iwasan ang anumang karahasang maaaring magdulot ng panganib sa buhay at kaligtasan ng bawat isa.