Nasakote ng mga awtoridad ang dalawang lalaki na kabilang sa Top 6 at Top 7 Provincial Most Wanted Persons sa Tawi-Tawi.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas Al, 42-anyos, at Lino, 40-anyos, na parehong may asawa, mga mangingisda at residente ng Barangay Ballak, Tandubas, Tawi-Tawi.
Isinagawa ang pag-aresto dakong alas-7:20 ng umaga kahapon Agosto 7 sa Barangay Silantup, Tandubas, Tawi-Tawi.
Pinangunahan ng Tandubas Municipal Police Station ang operasyon, katuwang ang 51st Special Action Company ng PNP-SAF, 14th Regional Mobile Force Battalion 14-B, 2nd Platoon ng Provincial Mobile Force Company, 1st Special Operations Unit ng Maguindanao, Maritime Police Station at Tawi-Tawi Provincial Intelligence Unit.
Nasakote ang dalawa sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong frustrated murder sa ilalim ng Criminal Case No. 159-26.
Inisyu ang warrant ni Hon. Gregorio V. Dela Peña, Acting Presiding Judge ng Regional Trial Court, Ninth Judicial Region, Branch 26, Bongao, Tawi-Tawi, na may hurisdiksyon sa Sapa-Sapa.
Ipinaalam sa dalawang suspek ang dahilan ng kanilang pag-aresto at ang kanilang mga karapatang konstitusyonal gamit ang wikang kanilang lubos na nauunawaan.
Dinala muna ang mga ito sa Rural Health Unit ng Tandubas para sa medical examination bago inihatid sa Tandubas MPS para sa pansamantalang detention at paghahanda sa turnover sa korte na naglabas ng warrant.

















