Arestado ang apat na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos mabuwag ng mga awtoridad ang isang drug den sa isinagawang buy-bust operation sa Barrio Site, Barangay Mirab, Upi, Maguindanao del Norte noong Mayo 21, 2026.

Pinangunahan ng PDEA Maguindanao del Norte Provincial Office ang operasyon kasama ang 1st Provincial Mobile Force Company ng Maguindanao del Norte Police Provincial Office, Regional Intelligence Unit 15, PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit 15, at Upi Municipal Police Station.
Nakumpiska ng mga operatiba ang 17 heat-sealed transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 25 gramo at standard value na aabot sa Php170,000. Narekober din ang dalawang cellphone, iba’t ibang drug paraphernalia, at apat na identification cards.

Kinilala ang mga naarestong suspek sa alyas na “Aisa,” 43 taong gulang at itinuturong drug den maintainer; “Ulan,” 56 taong gulang; “Michael,” 51 taong gulang; at “Tato,” 35 taong gulang. Lahat ng mga suspek ay residente ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, at 12 ng Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa mga awtoridad, ipinapakita ng matagumpay na operasyon ang patuloy na pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga upang masiguro ang kaligtasan at kapayapaan ng komunidad.

















