Tatlo katao sangkot sa ilegal na droga ang naaresto matapos mabuwag ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM) ang isang drug den sa Purok Noynoy, Barangay Malinis, Lamitan City noong Hunyo 14.

Kinilala ang mga naaresto na sina alyas Andrew, 32-anyos at hinihinalang maintainer ng drug den, alyas Cholo, 38-anyos, at alyas Jenrick, 21-anyos.

Isinagawa ang buy-bust operation ng PDEA Basilan Provincial Office katuwang ang Lamitan City Police Station, mga yunit ng Regional Mobile Force Battalion, at 18th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 12 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na pitong gramo at street value na humigit-kumulang P47,600. Nasamsam din ang isang cellphone, buy-bust money, mga identification card, at iba’t ibang drug paraphernalia.

Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kabilang ang pagbebenta ng ilegal na droga, pagpapatakbo ng drug den, pagbisita o pagtatrabaho sa drug den, pag-iingat ng ilegal na droga, at pagmamay-ari ng drug paraphernalia.

Ayon sa PDEA-BARMM, bahagi ito ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa rehiyon upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng komunidad.