Arestado ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Lebak Municipal Police Station (MPS) bandang alas-2:00 ng madaling araw kahapon Hulyo 3, 2026 sa Barangay Purikay, Lebak, Sultan Kudarat.

Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Bungo,” 23 taong gulang, binata, at residente ng naturang barangay. Itinuturing umano siyang street-level individual o sangkot sa bentahan ng ilegal na droga sa mababang antas.

Ayon sa pulisya, matagumpay na nakabili ang isang operatibang nagpanggap na poseur-buyer ng isang maliit na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 0.050 gramo at street value na humigit-kumulang P1,000.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek.

Samantala, muling iginiit ni PLTCOL Randy M. Eliarda, hepe ng Lebak Municipal Police Station, ang kanilang patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga. Hinikayat din niya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa droga sa kanilang komunidad.